Ika-33 Jury Statement: Animation Category

January 25, 2023

Nagpapasalamat kaming tatlong hurado sa tiwala ng Gawad Alternatibo sa amin, at sa oportunidad na masaksikhan ang mga kalahok na animated short.  Patunay ang bawat isang entry sa orihinalidad ng mga manlilika, at sa makulay na haraya ng mga Pilipinong Animator. Kabilib-bilib din ang pagkakaroon ng entry mula sa samu’t saring uri ng animasyon; mayroong  2D, 3D, at mayroon pang stop-motion o puppetry. Ngunit ang mga nabahagian ng gantimpala sa batch na ito ng Gawad Alternatibo ay napili dahil hinamak nilang gamitin ang midyum ng animasyon bilang alipatong tagapagsindi ng ningas ng posibillidad na bitbit ng kanilang mga kwento, at sa dahilang ito, kinatawan ng mga likha nila ang kahulugan ng “alternatibong” sining. 

Ano nga ba ang alternatibo? Ang estilo ba o ang paksa ang nagbibigay sa isang katha ng katangian ng pagiging alternatibo?  Ito ang unang tanong na pinagpasyahan naming tatlong hurado. Para nga kay Mervin, “malaking bahagi ng aming desisyon ang pagbibigay boses sa mga hindi masyadong pinapakinggan. Ito rin naman ang pangunahing layunin ng pagiging alternatibo”. Mula naman kay Mich, “Ang purpose o gustong sabihin ng pelikula ang isa sa mga pinakaimportanteng sinuri namin sa judging process; may mga taong binibigyang boses ba ng pelikula o kaya’y naratibong inaangat?”  

 Sa huli, nagpasya kami na ang isang gawang alternatibo ay isang likha na sa kabuoan ay bumabangga sa nakasanayan o popular na estetika, at may mensaheng kontra-gahum. Ang isang alternatibong likha para sa amin ay mayroong tapang na tumuligsa sa “demands” na nananaig na merkado, at may tapang na magbigay tinig sa mga usapin at isyu na wari’y off-topic o bihirang paksain ng mainstream o sikat na anime o cartoons, habang nanatiling mga kwentong hinugot mula sa malalim na batis ng Karanasang Pilipino.

Pinapakita ng mga nanalong pelikula ang halaga ng paggamit ng animasyon sa pagbasag sa patriyarkal na konsepto ng pamilya, na mayroong langit na naghihintay para sa mga musmos na biktima ng halang na Extrajudicial Killings, ang pagkawasak ng kalikasan dahil sa makataong pangangailangan, at hinamak rin ng ibang entry kutyain at ipakita ang nakakasuklam na selebrasyon ng bertdey ng pulis sa kalagitnaan ng pandemya.  

Umaasa kami na sa kanilang mga susunod na likha, patuloy na gagawa ng mga animated na pelikula ang mga kalahok, at patitingkarin pa nila lalo ang matapang at mapagpalayang diwa ng kanilang sining.

The Animation Jury:

EMILIANA KAMPILAN | MERVIN MALONZO | MICH CERVANTES

No items found.