Ika-33 Jury Statement: Documentary Category

January 25, 2023

Paglikha’t Pakikibaka: Ang Marapat na Panlipunang Papel ng mga Dokyumentaryo’t Dokyumentarista sa Panahon ng Pandemya at Ligalig 

Sa seminal na librong They Must be Represented: The Politics of Documentary (1994), binanggit ng kritikong si Paula Rabinowitz na “[d]ocumentaries construct not only a vision of truth and identity but an appropriate way of seeing that vision” (Rabinowitz, 12). Hindi lamang kung gayon nakagapos at nalilimita ang paglikha ng mga dokyumentaryo sa pagtatala ng mga kaganapan sa kasaysayan, sa paglalatag ng mga pakatotohanan, at sa paghahalungkat ng mga kuwentong matagal nang naisantabi sa pambansang alaala. Mayaman ang dokyumentaryong Pilipino sa mga obrang maituturing na exposisyon lamang sa naganap na at alam na natin ngunit sadyang salat at kapos ito sa mga akdang mahigpit na tumatangan sa isang makalipunan at makamamayang bisyon na may layong makitunggali, makapagpamulat, at makapagpakilos sa mamamayan.

Panahon na upang kumawala ang mga dokyumentarista at maging ang mga guro ng dokyumentaryo sa makitid, nakababaog, at rekasyonaryong tindig pampolitika. Kailangan nang paslangin ang pamamayani ng ideang ang mabisang dokyumentaryo ay kailangang maging nyutral, obhetibo, at exposisyon lamang ukol sa mga paksang kikiliti at aantig sa diwa ng mga manonood.  Kahibangan at kulungan ang mga kaisipang ito.  Sa katunayan, ang mga ideang ito mismo ang bumabansot sa angking politikal na potensyal ng mga dokumentaryo upang magsilbi sanang tulay at lundayan na aakay sa mga manonood upang higit pa sanang maunawaan ang ugat ng mga nananaig na kontradiskyong panlipunan sa kanyang lipunan. 

Hindi lamang kasangkapan ang mga dokyumentaryo upang makapaglatag ng mga naratibo ukol halimbawa sa usapin ng kahirapan, usaping pangkalikasan, pagiging ina sa panahon ng pandemya, o sa usapin ng pamanang lahi. Bagkus marapat na matantong ang mga dokyumentaryo ay isang uri ng sinematikong interbensyon at politikal na mediasyon na may tungkuling maipakita ang salimbayan at hindi maipaghihiwalay na ugnayan ng texto, manonood, at lipunan. Marapat mabatid ng mga dokyumentarista ng ating panahon na isa sa mga primaryong tungkulin nito ay ang makapagpasa sa mga manonood ng isang tiyak na bisyon at siste ng pag-unawa na magsisilbing armas ng manonood upang makalahok sila sa talaban ng mga idea at gitgitan ng mga posisyong panlipunan.  

Maisasakatuparan lamang ito kung malay ang mga gumagawa ng mga dokyumentaryo na kinakailangan nilang kritikal na madestrungka ang ugat ng isang kaganapang panlipunan upang kalaunan ay mahimok mismo ang mga manonood na maging kaisa at kabahagi sa pagbabago nito.  Ayon nga kay Rabinowitz, “[t]he performance of the documentary is precisely to remand, if not actively remake, the subject into a historical agent” (8). Kung gayon, hindi sapat na matunghayan lamang ng mga manonood ang dusa at pasakit ng mga tinutunghayan sa isang palabas. Kailangan nilang matanto kung ano ang panlipunang ugat ng naturang mga dusa’t pasakit upang pangkoin mismo nila ang bigat nito at maging katuwang upang maibsan ang lahat ng dusa at pasakit na dinaranas ng mamamayang Pilipino. 

At ngayong dumatal sa maliliit na daigdig at mga dambuhalang emperyo ang pandemyang COVID-19, higit nating nakikita ang sangsang ng isang sistemang pumapabor lamang sa mga nasa poder ng kapangyarihan. Lantad na lantad na din sa ating mga pang-araw-araw na buhay ang kalupitan ng mga naghahari sa lipunan sa hanay ng mga nasa laylayan. Walang patumangga ang mga arkitekto ng pambubusabos sa patuloy na pagyurak nito sa karapatan at kalayaan ng mga mamamayan. Pamamaslang, korapsyon, paglabag sa karapatang pantao, mga polisiyang anti-mamamayan, pagnanakaw sa lupang ninuno, rebisyonismo sa kasayasayan, at paninikluhod sa mga emperyo ang tanging wika ng mga dibuhista ng pang-aabuso. Sa kabilang banda naman, patuloy na nakikitunggali ang mga nasa hanay ng kilusan ng pagbabago upang makapag-akda ng mas makatwiran at makataong mundo—buhay man ang ialay.

Sa gitna ng gitgitan ng mga nagtutunggaling pwersa sa lipunan, walang puwang na pumagitna ang isang dokyumentarista. Marapat na pumili siya ng panig. Kailangan niyang maging partisano upang isulong ang laban ng nakararami. Ang kanyang kamera ang kanyang gatilyo. Ang kanyang mga hahabihing salaysay ang magbibigay ng tinig sa mga winaglitan ng boses at pinatatahimik. Ang kanyang pag-iral kasama ng kanyang mga likha ay kinakailangang maging kadaop ng nagkakaisang hanay ng mamamayan na nagsusulong ng isang lipunang malaya’t may kalayaan. Sa isang panahong ang tiyak lamang ay nabubuhay tayong lahat sa isang sistemang bulok at anti-mamamayan, marapat na mabatid ng mga dokyumentarista’t manlilikha na kailangang magsilbing anyo ng pakikibaka ang anomang anyo at uri ng malikhaing gawain.

Kung pipiliing manatili ng kalakhan ng mga dokyumentarista’t  dokyumentaryo sa bansa ang reaksyunaryo at nakamihasnang tindig nito, makatitiyak tayo na hindi ang sambayanan ang pinagsisilbihan nito kungdi ang mga dibuhista ng kapital at ang isang sistemang sanhi ng lahat ng paghihirap ng bayan at mga ligalig ng ating panahon.

The Documentary Jury:

CHOY PANGILINAN | CARLA PULIDO OCAMPO | SHE ANDES

No items found.