Ika-33 Jury Statement: Experimental Category

January 25, 2023

Ang kabalintunaan sa pagsipat sa sine-eksperimental ay ang kawalan ng mga nakatakdang parametro at formula na nakapalibot sa mga instituladong forma sa larangan ang siya nitong pagkaka-kahon. Hindi ito nangungusap ng arbitraryong kalayaan o nagkakansela ng responsibilidad ng manlilikha na magbahagi ng odibiswal na katotohanan kundi nagpoprodyus ito ng ibang mga pagpapatotoo – marahil sa forma, pagkalkal ng bagong moda ng produksyon na tatagos sa iskrin, o pangungutya sa mismong gahum sa paglikha ng mga gumagalaw na imahe – na kadalasa’y nakakapagpaduwal sa popular na kultura, intoksikasyong dala ng kisapmatang pagkokolaj. Sa pagbubukas ng eksponensyal na posibilidad ng industriyalisasyon ay hindi kataka-takang bargen nito ang mga proyekto ng pasismo, populismo, at neoliberal na pagmumuwestra sa mas mabisang industriya ng kultura bilang mga malikmatang libog. Sa interstis na ito natin maaaring ilapat ang ganitong pagninilay sa pagsipat: ano mga tahak ng eksperimentasyon sa kalawakan ng kalayaang binibigay ngayon sa pelikula sa birtwal-dijital na imahinasyon ng ating panahon?

Pinapatotoo ng maraming likha ang pahaging ni Godard na ang pelikula ay ang katotohanan 24 frames per second na nagbabahagi ng buhay-pandemya at sa kawing-kawing na kinakalkal nitong kondisyong panlipunan, sa quarantine ng kaisipan at lockdown ng pandama’t dalamhati— mga panaghoy sa panahon ng pangamba, tanong, at sakit ng lagiang paniniguro. Sa lunan ng kondisyon ng pandemya, umuusbong ang spatio-temporal na meditasyong katangian ng pelikulang higit nating kailangan sa kasalukuyan upang mamagitan. 

Kritikal din ang mga pelikula sa pakapa-kapang stratehiya ng konstitutibong institusyon tulad ng gobyerno’t kapulisan sa mala-perinyal na krisis ng masang sumasandig dito sa pananalaming nasa lente ng pagpapatsi-patsi ng pakikiramdam gamit ang kamera’t kompyuter. Ilan sa mga tumatak ay may atabistikong lirisimo gamit ritwalistikong pang-uusig, bargas na komedya sa anyo ng sanitasyon, hayagang pangungutya sa iba’t ibang antas ng karahasan, at mga atungal na namamaluktot ng lohika ng mga gahum tulad ng simbahang Katoliko.

Ang tagumpay ng isang akda na masaklaw ang naratibong kinabibilangan ng ating kasalukuyang disposisyon kasabay ng mataas na antas ng teknikal na pagkapulido ay kalahati pa lamang ng pamantayang maaaring suriin lalo na sa eksperimental na tahak. Dito pumapasok ang pagsipat na sa abot-kamay na rami ng moda ng paggawa, ang epektibong paghatid ng likha sa ideya ng sarkasmo at alienation sa kanyang manunuod upang maghain ng dis-posisyon ay istilong tumatatak; maaari nga’ng panoorin ang isang pelikula bilang patalastas at pagdaka’y madadatnan mo ang isang nagnanaknak na kontemplasyon. 

Ang tagumpay ng mga pelikulang ito mula sa susunod na henerasyon ng mga manlilikha ay patunay na ang larangan ng eksperimentasyon sa pelikula ay may dinamikong kinabukasan. Ang sine-eksperimental ay mapagpalaya at nagpapalaya, ngunit ang sinumang nagnanais lumaya ay kailangan pagyabungin pa ito nang may maliksing pagtatangka. Bagamat ang wika nito ay ilang dekada nang ninanakawan ng mainstream media at advertising, tapang pa rin sa walang katapusang pagtuklas ang habambuhay na magpapasigla sa underground cinema, at patuloy itong tutungtong sa hangganan ng kultura.

The Experimental Jury:

SARI DALENA | ESHEI MESINA | LOURD DE VEYRA

No items found.